Revival Hits
Isa ‘kong maglalayag, o baka mas angkop na sabihing ako ang barko…Ako ang Titanic. Noon ang paningin ko sa mundo patag. Bibiyahe lang ako ng dire-diretso, gabay ang buwan at mga bituin ko tungo sa gusto kong patunguhan, sa landas na alam na alam kong tatahakin ko.
Walang balikan, walang atrasan, walang ayawan.
Kahit pa ako ang balagoong.
Hindi ako lulubog, yan ang paniwala ko. Unsinkable ang Titanic. Hanggang sa tumama ako sa Iceberg. At bumiyahe pababa.
Mula sa ilalim ng tubig, duon ko lang na-realize na tama ang Ginebra. Bilog ang mundo. Lumalalim ang dagat, lumalawak ang langit, lumulubog ang araw at sumisikat din ang dilim…at kinakain din nito ang liwanag.
Mas madalas kesa sa inaakala nating minsan.
At sa mundong bilog, lahat may replay, may revival, at rendition ng mga happenings. Paulit-ulit.
Tulad ng orasang bilog (o kahit pa sabihing parisukat) lagi lang naman dinadaanan ng mga kamay nito ang bawat numero.
Na walang iniwan sa paulit-ulit nating pag-aaral hanggang sa makatapos. Oo nga natapos nga pero mas malaking paaralan pala ang naghihintay sa labas ng mga akademya natin. Ang buhay. Mas matinding lessons pala ang hawak nito. Ang dami pang deja-vu!
Tulad ngayon, nagtatrabaho. Kain, pasok, tulog. Bukas. Kain, pasok, tulog uli. Paulit-ulit di ba?
Parang tulad din ng mga digmaang hindi na yata mamamatay. Eh ang namamatay lang naman eh yung mga naiipit sa gitna nito. At ang kaluluwa ng kapatiran. May tinatawag pang Holy War, weird no, ano kayang holy don? Holy Cow!
(Kelan kaya ang tunay na tigil putukan?)
Na hindi rin pala nalalayo sa pagkakaroon natin ng lider na umaabuso at natatanggal. Sa kasalukuyang ingay na nagawa ng dahil sa isang simpleng “Hello Garci…” , nangangamoy impeachment na naman.
(Kelan ba matitigil ang dayaan?)
Haaaay. Paulit –ulit na lang. Ilang counts ba ang steps na to?
Nagpapalit ng mukha ang kasaysayan. Pero iisang istorya lang ang binabanggit. Kwento ng pagkakadapa, pagbangon, anomalya at rebolusyon, kamatayan at muling pagkabuhay. Part ba talaga to ng life? Bakit hindi na lang natin daanan at bakit kailangang balikan.
Siguro me mali. Kaya ibinabalik sa atin ang mukha ng panahon na nakita na natin, madungis siguro at kailangang punasan. Parang exam, pag me mistake, dapat ilalagay natin sa utak natin ang correction. Sa dami ng mali, kaya paulit-ulit na ibinabalik sa atin ang resulta, halatang hindi tayo nag-aral at hindi natuto. Ibinabalik sa ‘tin ang result para sa susunod, tama na ang sagot. Kaya kailangan na nating magsimulang mag-review. Umiwas na tayo sa removal.
Pero minsan, kahit walang mistakes dapat pa ring ulitin, bakit?
Kahit nalilito na tayo at hindi malaman ang rason kung bakit dapat uli nating muling lingunin ang mabatong daan. Hindi ko rin alam ang sagot eh, Diyos na lang ang nakaka-alam. Hindi na siguro mahalaga pang malaman ang dahilan.
Ang mahalaga na dito ay kung papaano na tayo tatayo at maninindigan kahit na nasa gitna tayo ng rumaragasang baha at nagwawalang bagyo.
Ang araw araw natin ay tila walang katapusang simula. Kahit paulit-ulit, hindi natin maitatanggi n tayo’y mga karakter na lumalakad sa mga pahina ng kasaysayan, bumubuhay sa minsan paraiso at minsan impyernong aspeto ng buhay. Hindi lang daw tadhana ang gumuguhit ng nangyayari sa atin at sa mundo, malaki ng papel natin dito.
At sa pagpasok ng panibagong umaga, muli susulat na naman tayo ng kwento. At tulad sa paggawa ng pelikula, sa buhay pwede ang take two, sana nga lang isaulo na natin ng maayos ang linya natin dahil sayang ang film. Taliwas sa pinaniniwalaan ng iba, hindi pa huli ang lahat, at lahat me pag-asa.
Tayo ang maglalayag. Tayo ang Titanic, Pero mas maganda, pag-aralan nating maging Iceberg.
Action!